Pinamamadali ni Senator Imee Marcos ang gobyerno sa pagbuo ng code of conduct sa South China Sea.
Ito ay para maiwasan ang mga hindi kanais-nais na insidente sa West Philippine Sea (WPS) tulad na lamang ng nakaka-alarmang video na ipinakita kamakailan sa plenaryo na pambu-bully ng China sa mga tauhan ng Philippine Navy sa WPS.
Para kay Marcos na siya ring chairman ng Senate Committee on Foreign Relations, ang hindi matigil na pambu-bully ng China ay patunay na kailangan ng bilisan ang pagbuo sa code of conduct.
Dapat aniyang palawakin ang “areas of discussion”, kabilang ang economic, trade at diplomacy para maiwasan na ang ganitong insidente sa pinag-aagawang teritoryo.
Giit pa ni Senator Marcos, imbes na magalit at pairalin ang init ng ulo ay mas mahalagang gawing puspusan ang pakikipag-dayalogo at isaayos ang pagpapatakbo ng mga barko sa naturang teritoryo.
Bago mag-recess ang sesyon ng Kongreso ngayong taon, isang resolusyon na nagkokondena sa paulit-ulit na pangbu-bully sa West Philippine Sea (WPS) ang pinagtibay sa plenaryo.