Hinimok ni Senator Raffy Tulfo ang gobyerno at iba pang concerned agencies na bumuo ng contingency plan para sa mga Overseas Filipino workers (OFWs) sakaling tumindi ang tensyon sa pagitan ng China at Taiwan.
Ayon kay Tulfo na siyang namumuno sa Senate Committee on Migrant Workers, dapat bumuo ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Philippine Overseas Labor Office (POLO) at ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng organisadong plano upang matiyak ang kaligtasan ng mga OFWs sa Taiwan at iba pang kalapit na bansa.
Aniya, sa karanasan niya sa pagtulong sa mga OFW sa nakalipas na dalawang dekada ay tila mas reactive ang mga ahensya ng gobyerno kaysa proactive.
Napaulat na nagsagawa ng malawakang military drill ang China sa anim na lugar sa paligid ng Taiwan strait matapos ang pagbisita ni US House Speaker Nancy Pelosi noong August 2.
Tinatayang nasa 200,000 OFWs ang nagtatrabaho sa Taiwan.