Magiging host ang Pilipinas ng 10th session ng Asia-Pacific Ministerial Conference on Disaster Risk Reduction o APM CDRR sa susunod na taon.
Kaya naman iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang pagbuo ng Inter-Agency Committee (IAC) na mangangasiwa sa preparasyon at pagsasaayos ng mga aktibidad sa nasabing conference.
Sa apat na pahinang Administrative Order No. 09 na pirmado ni Executive Secretary Lucas Bersamin, may direktiba ang pangulo sa mga kaukulang mga ahensya at mga lokal na pamahalaan na magtulungan para sa ikatatagumpay ng 2024 APM-CDRR.
Nakapaloob sa kautusan na ang IAC ang bubuo ng mga plano, programa at mga aktibidad, at mamamahala ng requirements para sa hosting ng Disaster Risk Reduction conference.
Ito rin ang magsusumite ng periodic reports sa Office of the President hinggil sa developments sa mga paghahanda para sa naturang event.
Ang mga designated committee chairman ng bawat working committee ay magtatalaga ng secretariat na aalalayan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).