Pagbuo ng isang independent panel para mag-imbestiga sa EJK, iminungkahi ng isang kongresista kay PBBM

Hinikayat ni House Minority Leader at 4Ps Party-list Representative Marcelino “Nonoy” Libanan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Na ipag-utos ang pagbuo ng isang independent fact-finding commission na mag-iimbestiga sa extrajudicial killings o EJK sa ilalim ng war on drugs.

Mungkahi ito ni Libanan kasunod ng sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin na higit na pinapahalagahan ng administrasyong Marcos ang paghahatid ng hustisya at pagpapatupad ng batas kaugnay sa nagpapatuloy na imbestigasyon sa libu-libong pinatay na mga drug suspects.

Ayon kay Libanan, ang bubuuing fact-finding commission ay magiging kahalintulad ng Agrava Fact-Finding Board na independent o hindi konektado sa legislative at executive branches ng pamahalaan.


Sabi ni Libanan, magiging layunin ng fact-finding commission na matukoy at mapanagot ang lahat ng indibidwal na sangkot sa nabanggit na mga pagpatay.

Magugunitang binuo ang five-member Agrava Fact-Finding Board na syang nag-imbestiga sa pagpasalang kay dating Senator Benigno “Ninoy” Aquino Jr. sa Manila International Airport (MIA) noong August 21, 1983.

Facebook Comments