Plano ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na bumuo ng bagong komite na mangangasiwa sa paglalabas ng tubig sa mga dam.
Ito ay sa gitna ng mga ulat na mali ang timing ng pagpapakawala ng tubig ng Magat Dam na nagresulta ng malawakang pagbaha sa Cagayan at Isabela kasabay ng pananalasa ng Bagyong Ulysses.
Ayon kay NDRRMC Executive Director Ricardo Jalad, layunin ng komite na tiyaking nakalatag ang safety measures bago payagan ang paglalabas ng tubig sa mga dam.
Ang bagong komite ay magkakaroon ng oversight sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), National Irrigation Administration (NIA), at National Power Corporation (NAPOCOR).
Una nang sinabi ng PAGASA, inaabisuhan ang mga local offices ng NDRRMC hinggil sa paglalabas ng tubig sa mga dam, sa pamamagitan ng sulat o verbal notice, ilang oras bago buksan ang mga gate.