Pagbuo ng labor agenda, ipinanawagan ngayong Bonifacio Day ng isang senador

Hinimok ni Senator Risa Hontiveros ang Malakanyang na bumuo ng labor agenda na tutugon sa lumalalang sitwasyon ng kita at problema sa trabaho ng ating mga manggagawa.

Ginawa ng senadora ang hirit sa gitna na rin ng paggunita ngayon ng Bonifacio Day kung saan sinuportahan ng senadora ang panawagan ng mga manggagawa na tugunan ang mga mahahalagang isyu na kinakaharap ng mga ito.

Ipinakukonsidera ni Hontiveros ang mga programa na titiyak sa sapat na kita at trabaho gayundin ang pagpaprayoridad sa usapin ng ‘security of tenure’ at iba pang anti-poor policies tulad ng contractualization.


Hiniling din ng senadora ang pagkakaroon ng isang komprehensibong plano para matulungan ang mga manggagawa laban sa tumataas na inflation, pagbaba ng kalidad ng trabaho at patuloy na pagtaas ng bilang ng unemployment.

Apela pa ng mambabatas na panahon na para pakinggan ng pamahalaan ang hinaing ng mga labor groups lalo’t pambihira ang idinulot na epekto ng pandemya sa ekonomiya at sa buong bansa.

Nauna na ring inihirit ni Hontiveros sa Legislative – Executive Development Advisory Council (LEDAC) ang pagpaprayoridad sa pagtataas sa sahod at paglikha ng mas maraming trabaho para sa mga Pilipino.

Facebook Comments