Ipinag-utos na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa lahat ng lokal na pamahalaan sa Metro Manila ang pagbuo ng kani-kanilang Local COVID-19 Task Forces (LCTF).
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, ang pagbuo ng Local COVID-19 Task Force ay upang ma-monitor at mapigilan ang pagkalat ng nakakahawang sakit sa mga komunidad.
Sinabi pa ni Año, ang LCTF ang aatas sa Local Disaster Risk Reduction and Management Office at Local City Health Office, pagkatanggap ng referrals mula sa Department of Health o DOH-Emergency Operations Center.
Ito rin ang direktang makikipag-ugnayan at maghahatid sa pinakamalapit na DOH referral facility sa sinumang indibidwal na nakitaan ng sintomas ng COVID-19.
Dagdag pa ng Kalihim, dapat kontrolado ng LCTF ang lahat ng sitwasyon at mahigpit na makipag-ugnayan sa DOH-Center for Health Development.
Inatasan na rin ng DILG Chief ang lahat ng DILG City Directors na makipagtulungan sa mga Local Chief Executives (LCEs).
Maging ang mga barangay sa buong bansa ay inatasan din ng DILG na magtatag na ng kanilang Barangay Health Emergency Response Teams.
Ang nasabing kautusan ng DILG ay kasunod ng pagdeklara ng DOH na nasa Code Red sublevel 1 na ang bansa dahil sa Corona Virus Disease-19 o COVID-19.