Pagbuo ng National Vaccination Program against COVID-19, iginiit ni Senator Go

Buo ang tiwala ni Committee on Health Chairman Senator Christopher “Bong” Go kay National Task Force (NTF) against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr. kaya suportado niya ang paghirang ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang vaccine czar.

Mungkahi ni Go kay Galvez, bumuo ng National Vaccination Program against COVID-19 para gawing available, accessible at affordable ang bakuna sa lahat ng Pilipino at hindi lang sa mga may kaya sa buhay.

Giit ni Go, mahalagang may overall strategy kaugnay sa COVID-19 vaccine para hindi mapag-iwanan ang mga ordinaryong Pilipino na kailangang makabalik na sa normal na pamumuhay upang maibangon mula sa kahirapan ang kanilang pamilya.


Binanggit pa ni Go na nais ni Pangulong Duterte na iprayoridad sa immunization program ang mga mahihirap, health workers at frontliners.

Binigyang-diin ni Go, bukod sa pagtiyak na makakakuha agad ng COVID-19 vaccine ang Pilipinas ay saklaw rin ng national strategy ang paghahanda ng cold storage facilities at iba pang kagamitan para sa inventory nito.

Sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2) ay may P10 bilyong na nakalaan para sa testing at pagbili ng bakuna laban sa COVID-19.

Facebook Comments