Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Finance (DOF) at Bureau of Internal Revenue (BIR) ang pagbuo ng Implementing Rules and Regulation o IRR para sa bagong batas na VAT Refund for Non-Resident Tourists.
Ito ay para sa mas simpleng VAT refund system sa non-resident o mga dayuhang turista.
Ayon sa pangulo, hindi maikakailang ang shopping ay isang mahalagang bahagi ng travel experience kaya naman ipatutupad ang VAT refund system sa non-resident tourists para mahikayat silang gumastos at tangkilikin ang produktong Pilipino.
Sa ilalim ng RA 12079, makakapag-refund ang mga turista ng VAT sa mga bibilhing produkto sa accredited retail outlets, basta’t ang mga produkto ay ilalabas sa bansa sa loob ng animnapung araw, at kailangan nila ng minimum transaction requirement na ₱3,000.
Nakikitang mapatataas nito sa halos 30% ang paggastos ng mga bisita, na makatutulong sa large-scale industries at micro, small, at medium enterprises.