Pinagtibay na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang panukala para sa paglikha ng “People’s Council” sa mga lokal na pamahalaan.
Sa botong 217 na YES’’ at walang pagtutol ay nakapasa ang House Bill 7950 o ang People Empowerment Act na inakda nina Speaker Lord Allan Velasco at House Committee on People’s Participation Chairperson Florida Robes.
Naniniwala si Robes na makatutulong ang panukala upang lalong makibahagi ang mga civil society organizations sa local governance at pagbuo ng mas matibay na partnership ng pamahalaan at pribadong sector.
Nakasaad sa panukala na ang bawa’t miyembro na bubuo sa People’s Council sa mga lokal na pamahalaan ay kinabibilangan ng civil society organization.
Maghahalal din ang People’s Council mula sa kanilang hanay ng kinatawan sa lahat ng sangay ng lokal na pamahalaan, lupon, konseho, komite, task forces, special government bodies at iba pang kahalintulad na grupo na lilikhain sa pamamagitan ng pambansa o lokal na batas.
Magtatatag rin ng Provincial People’s Council (PPC) sa bawa’t lalawigan na kinabibilangan ng kinatawan mula sa munisipalidad at People’s Council ng lungsod na sakop ng kapangyarihan ng isang lalawigan.