
Ipinag-utos ni Department of Education (DepEd) Sec. Sonny Angara sa lahat ng public schools na magtatag ng School Sports Clubs (SSCs).
Ito ay bilang tugon sa pagnanais ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr. ng mas malusog at mas aktibong mamamayan.
Layunin ng SSCs na isulong ang pag-unlad ng mga mag aaral, palakasin ang kanilang pisikal na kalusugan at makatulong sa pagbangon mula sa learning loss dulot ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Batay sa bagong DepEd Order, gagawin ang SSCs bilang organisadong sports programs sa labas ng regular na oras ng klase para mabigyan ng pantay na pagkakataon ang lahat ng mag-aaral—ano man ang antas ng kakayahan o pinagmulan na makilahok sa aktibidad ng pampalakasan.
Sa datos ng DepEd, marami sa mga kabataang Pilipino ang hindi umaabot sa rekomendasyon ng World Health Organization (WHO) na 60 minuto ng katamtaman hanggang matinding pisikal na aktibidad kada araw.
Pinalala pa ito ng mahabang oras ng sedentary learning at online classes noong pandemya.









