Iminungkahi ni Ako Bicol Party-list Rep. Elizaldy Co ang pagbuo ng sistema na magiging solusyon sa mga insidente ng kaguluhan sa larangan ng sports kung saan madalas ay may nasasaktan.
Ayon kay Co, dapat bumalangkas at magpatupad ng naturang sistematikong solusyon ang mga kinauukulang ahensya gaya ng Philippine Sports Commission, mga basketball league association, Commission on Higher Education, Department of Education at Department of Interior and Local Government.
Pangunahing inihalimbawa ni Co ang panununtok kamakailan ng Jose Rizal University o JRU Bomber Forward na si John Amores sa ilang player ng College of St. Benilde na kanilang nakaharap sa nakaraang NCAA Season 98 seniors’ basketball tournament.
Sabi ni Co, ang mabubuong sistema ay dapat ipatupad din sa mga ginaganap na basketball sa barangay level at sa lahat ng paaralan sa buong bansa kung saan minsan ay may mga basag-ulo na sumasali sa laro.
Katwiran ni Co, ito ay upang hindi nangangamba ang mga magulang at pamilya para sa kaligtasan ng mga players na minsan ay kinabibilangan ng kanilang mga anak, kapatid, o asawa.