Pagbuo ng special task group para sa oil spill operation, hindi na kailangan ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Wala nang plano si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na bumuo ng special task force para sa oil spill operation sa Oriental Mindoro matapos na lumubog ang MT Princess Empress.

Ito ay matapos na imungkahi ng Senate Committee on Environment ang pagkakaroon ng coordinated response team para mas mabilis ang koordinasyon.

Sa ambush interview kay Pangulong Marcos Jr., sa anibersaryo ng Philippine Army, sinabi nitong ang Philippine Coast Guard ang mangunguna sa oil spill operation sa Oriental Mindoro.


Ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) naman ayon sa pangulo ay ang nakatutok sa pag-assess ng mga damage, pagtukoy sa ano ang mga dapat pang linisin at dapat pang bantayang area.

Habang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ayon sa pangulo ay tumutok sa pagbibigay ayuda sa mga apektadong mangingisda.

Paliwanag ng pangulo, sapat na ang mga ginagawa nang mga ahensyang ito para sa nagpapatuloy na pag-alis ng mga tumagas na langis mula sa MT princess Empress.

Facebook Comments