Pagbuo ng Swine and Poultry Competitiveness Enhancement Fund, isinulong sa Kamara

Isinusulong ni House Committee on Agriculture and Food chairman at Quezon Rep. Mark Enverga ang pagbuo ng tinatawag na “Swine and Poultry Competitiveness Enhancement Fund” o SPCEF na pangangasiwaan ng Department of Agriculture (DA).

Ang mungkahi ni Enverga ay nakapaloob sa inihain niyang House Bill 3570 na layuning matulungan ang industriya ng baboy at manok sa ating bansa.

Diin ni Enverga, mahalaga na magkaroon ng “dedicated fund” sa naturang industriya sa gitna ng pagsulpot ng iba’t ibang sakit at outbreaks sa hanay ng mga baboy at manok tulad ng African Swine Fever, Bird Flu at iba pa.


Nakasaad sa panukala ni Enverga na ang naturang pondo ay ilalaan sa mga programa, proyekto, aktibidad at subsidiya para sa nabanggit na industriya para makamit ang “food security” na siyang pangunahing hangarin ng pamahalaan.

Aamyendahan naman ng panukala ang Agricultural Tariffication Act para maipaloob ang SPCEF, na ang pondo ay magmumula sa taripang makokolekta mula sa importasyon ng mga karne ng baboy at manok.

Facebook Comments