Pagbuo ng task force laban sa mga hoarder at smuggler, iminungkahi ng Senado

Inirekomenda ni Senator Sherwin Gatchalian ang pagbuo ng task force na siyang tutugis at tututok sa talamak na smuggling at hoarding ng mga produktong agrikultural.

Duda si Gatchalian na may ilang grupo o indibidwal ang nagho-hoard ng suplay at nagmamanipula ng presyo ng sibuyas dahil sa kabila ng pagpasok ng dagdag na suplay sa merkado ay napakataas pa rin ng halaga nito.

Iginiit ng senador ang paglikha ng isang task force laban sa talamak na smuggling at hoarding na pangungunahan ng Department of Agriculture (DA) kasama ang National Bureau of Investigation (NBI).


Tiniyak pa ni Gatchalian na iimbestigahan ng Committee on Ways and Means na kanyang pinamumunuan ang isyu ng smuggling sa bansa at siniguro rin ang pagrerekomenda na makasuhan ng economic sabotage ang mga malalamang smuggler.

Ilan lang aniya sa sisilipin ng kanyang komite ang mababang conviction rate ng mga sindikato na nagpupuslit ng produkto sa bansa, mga produktong inaangkat, buwis na binabayaran at kung ilan na ba ang nakasuhan.

Dagdag pa sa mga titingnan din ng Senado ang posibleng problema sa Bureau of Customs (BOC) na dahil walang smuggler na napaparusahan ay paulit-ulit lang ang mga ito sa iligal na gawain.

Sinabi pa ni Gatchalian na panahon na para striktong ipatupad ang batas na Republic Act 10845 o An Act Declaring Large-Scale Agricultural Smuggling as Economic Sabotage para epektibong matugunan ang isyu ng laganap na smuggling sa bansa at maprotektahan ang ating mga local producers.

Facebook Comments