Iginiit ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan sa Malacañang na ipag-utos din sa Department of Justice o DOJ ang pagbuo ng task force na mag-iimbestiga sa pagdagsa ng mga Chinese nationals sa Pilipinas.
Base sa mungkahi ni Pangilinan, bubuuin ang task force ng Bureau of Immigration, National Bureau of Investigation, Department of Labor and Employment, National Intelligence Coordinating Agency at Department of National Defense.
Para kay Pangilinan, nakaka-alarma at maituturing nang “soft invasion” o pagsakop sa ating bansa ang pagpasok ng apat na milyong mga Chinese simula noong 2017.
Diin ni Pangilinan, dapat maging alerto tayo dahil kung hindi ay baka gumising tayong hindi na atin ang Pilipinas.
Bukod dito ay isinulong din ni Pangilinan na imbestigahan ng Senado ang epekto sa ating pambansang seguridad ng pagdating sa bansa ng milyon-milyong Chinese.
Sa inihaing Senate Resolution 558 ay ikinatwiran ni Pangilinan na nakakabahala ito lalo’t inaangkin ng China ang ating teritoryo sa West Philippine Sea.