Pagbuo ng Task Force Rolly, irerekomenda ni Sen. Go kay Pang. Duterte

Irerekomenda ni Senator Christopher Bong Go kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbuo ng Task Force Rolly para mapahusay ang koordinasyon ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno at mapabilis ang pagtugon at rehabilitasyon sa mga komunidad na sinalanta ng Bagyong Rolly.

Inihayag ito ni Go kasabay ng kanyang pamamahagi ng tulong sa mga residente ng munisipalidad ng Bato at Virac sa Catanduanes na nabiktima ng kalamidad.

Ayon kay Go, tinalakay na niya ang kanyang mungkahi kay National Housing Authority General Manager Marcelino Escalada, Jr.


Bukod dito ay may rekomendasyon din si Go kay Pangulong Duterte na bigyan ng dagdag na calamity funds ang mga Local Government Units dahil ang kanilang pondo ay nagamit din pantugon sa COVID-19 pandemic.

Nais ni Go na mabigyan ng dagdag na calamity funds ang LGUs na katumbas ng 1% ng kanilang Internal Revenue Allotment para makatulong sa pagbangon nila mula sa mga humagupit na kalamidad.

Sabi ni Go, kinausap na niya hinggil dito si Budget and Management Secretary Wendel Avisado at hihingi na lang sila ng pag-apruba ni Pangulo Duterte.

Facebook Comments