Pagbuo ni PBBM ng maritime council kaugnay sa China threat, kinontra ng isang fisherfolk group

Kinuwestyon ng militanteng fisherfolk group na PAMALAKAYA ang pagbuo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ng maritime council para tutukan ang pagpapa-igting ng tensyon sa West Philippine Sea.

Ayon sa PAMALAKAYA, isa lang itong pagdodoble ng trabaho at dagdag na burukrasya ang paglikha ng maritime council.

Giit ng grupo, bakit kinakailangang i-consolidate ang mga umiiral na ahensya gayong halos magkapareho lang ang gampanin nito.


Paliwanag ng grupo, ang mga ahensya na sinasabing mapapaloob sa inter agency council ay minamandato na sa kasalukuyan ng Saligang Batas na protektahan ang ang ating pambansang teritoryo at likas na yamang-dagat.

Dagdag ng grupo, tila walang kongkretong plano ang Marcos administration para protektahan ang ating teritoryo at ang marine resources na nakapaloob dito.

Iginiit pa ng PAMALAKAYA na ang pagbawi sa mga teritoryo ay dapat daanin sa pamamagitan ng independent foreign policy at hindi sa pagiging sunud-sunuran sa sa sinumang makapangyarihang bansa.

Dapat umanong daanin ito sa diplomasya gawa ng pagggiit sa arbitral ruling na nagtatakda ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.

Facebook Comments