Tiwala si Appropriations Committee Vice Chairman at Albay Representative Joey Salceda na maaaprubahan agad ang 2021 General Appropriations Bill (GAB) kasunod na rin ng pagsertipika rito na “urgent” ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Salceda, sa kabila ng pagrekonsidera sa pag-apruba sa budget sa ikalawang pagbasa at muling pagsalang dito sa period of sponsorship and debate, tiwala ang mambabatas na sa Biyernes ay mapapagtibay nila ang pambansang pondo.
Paliwanag pa nito, ang pagpayag na mabusisi muli ang items sa budget ay nagbabalik sa kumpyansa ng publiko sa proseso.
Patuloy rin aniyang tatanggap ng amendments ang binuong small committee upang mapabilis ang pag-apruba sa pambansang pondo.
Naniniwala pa si Salceda na ang pagpapatuloy sa deliberasyon at pagrekonsidera sa pagpapatibay sa budget sa ikalawang pagbasa gayundin ang pagbabalik sa regular order ng Kamara ang tamang desisyon na ginawa ni Speaker Lord Allan Velasco bilang bagong lider.