Tinapos na ng House Committee on Appropriations ang budget briefings kaugnay sa panukalang pondo ng mga ahensya at tanggapan ng gobyerno na nakapaloob sa proposed 2024 General Appropriations Act (GAA).
Ayon sa Chairman ng komite na si Ako Bicol Party-list Rep. Elizaldy Co, naging matagumpay, transparent at malalim ang kanilang pagtalakay sa budget sa layuning matiyak na makikinabang dito ang lahat ng sektor at matutugunan ang mga prayoridad ng bansa.
Nagpasalamat naman si Representative Co sa mga kasamahang mambabatas na naging matyaga sa paghimay sa budget sa hangaring matiyak na maisusulong nito ang pambansang kaunlaran at kapakanan ng mamamayang Pilipino.
Target ng Kamara na sa susunod na linggo ay masimulan na sa Plenaryo ang delibrasyon sa panukalang pambansang pondo sa susunod na taon.
Tiniyak ni Co na maipapasa nila sa itinakdang panahon ang 2024 GAA na mahalaga sa pagsasakatuparan ng mga proyekto at programa ng gobyerno.