Ilocos Norte – Hihilingin sa Kamara ng Solidarity of Peasants Against Exploitation at ng Alyansa Dagiti Mannalon ti Ilocos Norte (AMIN) na amyendahan ang RA 7171 o ang batas na nagtatakda sa paggamit ng Tobacco Excise Tax.
Iginigiit ng STOP Exploitation at grupong AMIN na nagiging gatasan na lamang ng mga warlords at mga dinastiyang angkan sa Ilocos Norte ang excise tax.
Nais ng mga grupo ng mga tobacco farmers na busisiin ng Committee on Good Governance and Public Accountability ang mga programa at proyekto na pinagkagastusan ng mahigit isang bilyong pisong Tobacco Excise Tax na nakuha ng pamahalaang lokal ng Ilocos Norte mula 2006 hanggang 2016.
Ayon kay Antonino Pugyao, Chairperson ng STOP Exploitation, umasa sila noon 1992 nang malikha ang batas na aangat ang kanilang produksyon at pang ekonomiyang kalagayan.
Pero, walang nagbago sa kanilang kalagayan at malabo pa rin kung saan talaga napupunta ang excise tax.