Hiniling ni House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Representative Janette Garin sa House Committee on Health na busisiin ang implementasyon ng Universal Health Care (UHC) Law.
Nakapaloob ito sa House Resolution No. 2081 na inihain ni Garin na layuning matiyak na naibibigay ang nararapat na serbisyong medikal sa mga Pilipino base sa iniuutos ng batas.
Pangunahing pinatututukan ni Garin sa gagawing pag-review ang proseso kaugnay sa Health Technology Assessment (HTA) process at kung natutupad ng HTA council ang mandato nito.
Ayon kay Garin, mahalaga ring masilip kung nasusunod ang itinatakda ng batas na dapat ay ang Department of Health ang pangunahing tagapagpatupad nito at hindi ang Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth).
Bunsod nito ay nananawagan din si Garin sa liderato ng Senado at Kamara na gawin ang nararapat na amyenda sa Universal Health Care Law lalo na ang probisyon ukol sa pagsailalim sa Phase IV clinical study ng iba’t ibang health interventions tulad ng gamot, bakuna at iba pang medical devices.