Tiniyak ni Appropriations Chairman Eric Go Yap na bubusisiin nilang mabuti sa komite ang ₱4.506 trillion na pambansang budget sa 2021.
Ayon kay Yap, makasaysayan ang araw na isinumite ng Department of Budget and Management ( DBM) ang National Expenditure Program (NEP) dahil humaharap ang bansa sa matinding pagsubok ngayon na COVID-19 pandemic.
Sinabi pa ng Chairman na sisiguraduhin nila sa Kamara na mapupunta sa bawat ahensya at mga kinakailangang programa ang pondo sa susunod na taon gayundin ay ginagarantiya na mapapakinabangan ito ng taumbayan.
Titiyakin din ng Mababang Kapulungan na aalalayan nila ang pagbangon ng ekonomiya kasabay ng paglaban sa pandemya.
Ang P4.506 trillion 2021 national budget na may temang “Reset, Rebound and Recover: Investing for Resiliency and Sustainability” ay mas mataas ng 9.9% kumpara sa P4.1 trillion budget ngayong 2020.
Pinakamataas na pondo pa rin ang sektor ng Edukasyon ( DepEd, CHED, SUCs at TESDA) na may P754.4 billion.
Sinundan naman ito ng :
2.) DPWH – P667.3 billion
3.) DILG – P246.1 billion
4.) DND – P209.1 billion
5.) DOH – P203.1 billion
6.) DSWD- P171.2
7.) DOTR- P143.6 billion
8.)DA- P66.4 billion
9.)Judiciary- P43.5 billion
at 10.)DOLE- P27.5 billion
Pinakamalaking bahagi ng 2021 budget ay mapupunta sa Personnel Services na nasa 29.2% o katumbas ng P1.32 trillion kung saan dito kukunin ang alokasyon para sa dagdag na hiring ng mga healthcare workers, second tranche ng Salary Standardization Law, at dagdag na pensyon para sa mga retired uniformed at military personnel.