Ipinagpaliban ng House Committee on Appropriations ang budget deliberations sa ₱172-million na panukalang pondo susunod na taon para sa National Youth Commission (NYC).
Ito ay makaraang igiit ni Kabataan Partylist Representative Raoul Manuel na nagsisinungaling umano si NYC Chairman Ronald Cardema matapos nitong itanggi ang napaulat na pagbabantay sa mga estudyante na nire-recruit ng New People’s Army (NPA).
Sa budget hearing ay binasa ni Manuel ang napaulat na pahayag ni Cardema kaugnay sa ginagawang monitoring ng NYC sa umano’y NPA recruitment at sa mga paaralan katuwang ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Bukod dito ay nagpahayag din ng matinding pagkadismaya si Manuel sa pagka-delay ng implementing rules and regulations o IRR para sa SK Empowerment and Compensation Law.
Binanggit din ni Manuel ang report ng Commission on Audit na nagsasaad ng labis-labis umanong paggastos ng NYC noong 2019, 2021 at 2022.