Pagbuwag o pag-itemize ng mga proyekto sa ilalim ng unprogrammed appropriations, isinulong sa Kamara

Iminungkahi ni CIBAC Party-list Representative Eddie Villanueva sa Kongreso na buwagin o kaya ay i-itemize o ilista ang mga proyekto na nasa ilalim ng Unprogrammed Appropriations (UA) sa national budget.

Nakakaalarma para kay Villanueva ang nabunyag na trend sa pagdinig ng Kamara na noong 2023 ay tumaas sa ₱807.2 bilyon ang UA allocations; ₱731.4 bilyon noong 2024; ₱363.42 bilyon ngayong taon; at ₱249.99 bilyon sa 2026.

Ayon kay Villanueva, napakalaking halaga ng UA ang inaaprubahan ng Kongreso nang hindi batid kung anong proyekto at sino ang mga benepisyaryo nito, dahil tanging Ehekutibo lamang ang nakakaalam kung paano ito gagastusin.

Diin ni Villanueva, dapat sa simula pa lang ay malinaw na kung paano gugugulin ang Unprogrammed Appropriations upang mapigilan ang posibilidad na magamit ito sa korapsyon.

Babala pa ng mambabatas, kapag nanatiling ganito ang sistema at hindi masusuri ang bilyun-bilyong pisong UA, patuloy itong magiging bukas sa mapanganib na oportunidad para manaig ang padrino sa pulitika at paggastos nang walang pananagutan.

Facebook Comments