Manila, Philippines – Pinag-aaralan na ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Isidro Lapeña ang malawakang balasahan sa bureau upang maipakita sa publiko na seryoso sila sa kanilang kampanya kontra korapsyon.
Ayon kay Lapeña, bago ang rekomendasyon ni Cong. Ace Barbers ng House Committee on Dangerous Drugs na pinapapalitan nito ng bagong Revenue Collecting Agency ang BOC ay ikinakasa umano nito ang malawakang revamp upang magkaroon ng new blood sa ahensiya na pagkakatiwalaan ng publiko.
Paliwanag ni Lapeña, kasama sa kanyang mga plano ang rekomendasyon ni Barbers ang pagbuwag sa Command Center ng BOC na nilikha ni dating Commissioner Nicanor Faeldon, pag-amyenda sa Customs Modernization and Tariff Act at pagbabalik ng pag-iisyu ng alert order sa mga papasok na kargamento sa Deputy Commissioner for Intelligence Group, Enforcement Group, Assessment Operation and Coordination Group at District Collectors.
Lahat umano ng naisip ng mga mambabatas ay kasama sa kanyang mga plano sa ahensiya.
Giit ni Lapeña na hindi magiging matagumpay ang kanyang plano kung walang tulong mula sa mga empleyado, stakeholders at brokers na susuporta at magsusumbong sa kanyang tanggapan sakaling mayroon silang nalalaman na nag-iikot at gumagawa ng ikasisira sa imahe ng BOC.