
Isinulong ni Albay 3rd District Rep. Adrian Salceda ang pagbuwag sa estate tax at ang pagpapalit ng sistema ng pagbubuwis sa mga ipinamanang ari-arian.
Nakapaloob ito sa House Bill 6553 na inihain ni Salceda, na layuning maibsan ang pasanin ng mga kababayan nating namatayan na, at bukod pa rito, ay binubuwisan mula sa mga naiwang ari-arian ng pumanaw na kaanak.
Ayon kay Salceda, lugi sa kasalukuyang sistema ang mga ordinaryong pamilyang Pilipino na walang kakayahang i-restructure ang kanilang ari-arian, habang nakakalusot ang mga mayayaman na karamihan ng kanilang yaman o ari-arian ay nakalagay sa mga korporasyon.
Sa panukala ni Salceda, sa halip na magbayad ng 6% estate tax, bubuwisan na lamang ang minanang ari-arian kapag ito ay ibinenta, at isasama ito sa capital gains tax.
Punto ni Salceda, nasa P14 bilyon lamang ang koleksyon ng Bureau of Internal Revenue mula sa estate tax taon-taon, samantalang nasa P78 bilyon ang epekto sa mga naaantalang estate transfer, bukod pa sa maraming natetenggang lupain at mga properties.









