Iminungkahi ni Senator Joel Villanueva ang pagbuwag sa Inter-Agency Task Force o IATF dahil kita naman aniya na hindi na ito epektibo.
Suhestyon ni Villanueva, ang trabaho ng IATF ay maaring ipasa na lamang sa mga lokal na pamahalaan na mas nakaaalam ng sitwasyon sa kanilang lugar.
Para naman kay Senate Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara, masyadong radikal ang mungkahi ni Senator Villanueva.
Sinabi ito ni Villanueva sa pagtalakay ng Senado sa proposed 2022 budget ng Department of Trade and Industry o DTI.
Ayon kay Trade Secretary Ramon Lopez, kailangang itaas ang bilang ng mga bakunado na papayagang mag-dine-in sa mga restaurant sa Metro Manila kahit nasa ilalim pa rin ito ng Level 4.
Dagdag pa ni Lopez, isinusulong din ng DTI na iurong o gawing mas gabi pa ang curfew hours sa Metro Manila na ngayon ay mula alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw.
Reaksyon naman ni Senator Imee Marcos, pambihira ang mga patakaran tulad sa dine-in capacity na tila hindi na gumalaw at mukhang nakatakda na sa bato.