Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Debold Sinas ang pagpapalakas ng mga operasyon kontra sa mga galamay sa labas ng piitan ng mga nakakulong na drug lords.
Ito ay makaraang malansag ng PNP ang Cebu-based drug operation ng convicted drug lord na si Ronald Aparecio Natividad alias “Dodong Toldo,” na nakakulong sa San Ramon Prison and Penal Farm sa Zamboanga City.
Ayon kay Sinas, ang pagkakalansag sa operasyon ng droga ng drug lord ay patunay lang na patuloy pa rin na napapatakbo ng mga nakakulong na drug lords ang kanilang mga ilegal operasyon.
Batay sa ulat ni PNP Drug Enforcement Group Director Police Brigadier General Ronald Lee kay Sinas, dalawang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P13.6 million ang narekober ng mga pulis mula sa dalawang miyembro ng sindikato ni Natividad na sina Michael Johnlery Olid, at Arnel Degulacion na namatay matapos makipagbarilan sa mga awtoridad sa isang buy bust operation sa South Road Properties, Brgy. Mambaling, Cebu City kamakalawa.
Ang dalawa ay mga tauhan ng anak ni Natividad na si Dave Kelleher na nakakulong naman sa Mandaue City Jail sa kasong illegal drugs.
Ang asawa naman nito na si Annabel ay naaresto ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Bacoor City Police noong November 2, 2020 na nakuhaan ng limang kilo ng shabu sa isang buy bust operation.