Suportado ng ilang mga mambabatas ang pagbuwag sa monopolya sa pneumonia vaccine.
Ayon kay House Committee on Health Chairman Angelina Tan, kung napatunayan naman sa health assessment ng World Health Organization (WHO) na ang dalawang pneumococcal conjugate vaccines na PCV10 at PCV13 ay parehong epektibo para maiwasan ang pneumococcal diseases sa mga kabataan ay marapat lamang na idaan ito sa open at competitive na procurement process ng Department of Health (DOH).
Aniya, ang pagkakaroon ng mapagpipilian at pagbuwag sa monopolya sa pneumonia vaccines ay makakatulong sa gobyerno na makatipid sa pagbili ng nasabing bakuna.
Matatandaan na binigyang diin sa resolusyon na inihain ni Ako Padayon Pilipino Partylist Representative Adriano Ebcas ang kahalagahan ng pagkakaroon ng bukas at competitive na procurement lalo na sa pagpili ng epektibong bakuna sa mga bata.
Sinabi na rin noon ni Health Undersecretary Rosario Vergeire na humingi na ng tulong ang DOH sa Health Technology Assessment Council (HTAC) para i-review ang dalawang pneumococcal vaccines upang maging cost-effective ang ahensya sa pipiliing bakuna.
Sa isang virtual forum kasama ang mga kongresista ay sinabi ni Philippine Vaccine Association Dr. Lulu Bravo na makabubuting makinig sa sinasabi ng mga eksperto lalo na sa mga pag-aaral at pahayag ng WHO.