Ipinanawagan ng mga kongresista ng Makabayan sa Senado ang pagbuwag na rin sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Kasunod ito ng rekomendasyon ng Senado na alisin si Lt. Gen. Antonio Parlade bilang tagapagsalita ng NTF-ELCAC matapos i-adopt ang resolusyon na nagbabawal sa Konstitusyon na italaga sa civilian position ang mga active military officers.
Sang-ayon sina Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas at Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite na tanggalan ng civilian position si Parlade, lalo’t ang pagkakatalaga rito sa NTF-ELCAC ay malinaw na paglabag sa Article 16 Section 5.1 ng Saligang Batas.
Pero mas higit na magandang sunod na imungkahi ay ang paglusaw sa NTF-ELCAC dahil bukod sa red-tagging sa kanilang mga progresibong mambabatas na walang basehan at pagkakalat ng fake news, sayang din ang P19 billion na pondo para rito.
Ipinunto pa na may isa pang nilalabag si Parlade sa Konstitusyon at ito ay ang Article 16 Section 3 kung saan sinasabing walang sinumang myembro ng militar ang masasangkot sa anumang partisan political activity maliban na lamang sa pagboto.