Pagbuwag sa oligarchy sa bansa nang hindi nagdedeklara ng Martial Law, ipinagmalaki ni Pangulong Duterte

Ibinida ni Pangulong Rodrigo Duterte na nabuwag na niya ang oligarchy sa bansa nang hindi nagdedeklara ng Martial Law.

Sa pagharap sa mga sundalo sa Camp General Teodulfo Bautista sa Jolo, Sulu, sinabi ni Pangulong Duterte na kasama sa kanyang pangako noong eleksiyon na habulin ang mga oligarchs na nagpapahirap sa bansa sa pamamagitan ng panggigipit ng mga ito sa ekonomiya at hindi pagbabayad ng tamang buwis.

Ayon sa Pangulo, hindi patas para sa mga sundalo na nagpapakamatay para sa bayan habang ang oligarchs ay nagpapayaman sa pamamagitan sa pagsasamantala sa ating mga kababayan.


Pagtitiyak ng Pangulo, mas magiging madugo pa ang kanyang kampanya laban sa mga oligarchs sa natitirang dalawang taong panunungkulan sa Malakanyang.

Bagama’t walang pinangalanan, ang talumpati ng Pangulo laban sa oligarkiya ay lumabas ilang araw matapos ang pagbasura ng Kamara sa franchise renewal ng ABS-CBN dahil sa umano’y violations.

Bukod rito, una na ring binatikos ni Pangulong Duterte ang mga Ayala at Pangilinan na may ari ng Maynilad at Manila Water na ilang taon na umanong ginatasan ang taong bayan dahil sa sobrang paniningil sa tubig.

Facebook Comments