Pagbuwag sa PS-DBM at PITC, isinulong sa Senado

Pinabubuwag na ni Senator Imee Marcos ang Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) at ang Philppine International Trading Corportion (PITC) ng Department of Trade and Industry (DTI).

Sa inihaing Senate Bill No. 2388 at 2389 ay iginiit ni Marcos na hindi na kailangan ang nabanggit na mga tanggapan na pinamumugaran umano ng katiwalian.

Ang PS-DBM ay nilikha sa panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos noong 1978, para bumili ng karaniwang office supplies tulad ng bond paper at printer na ibebenta naman sa mga government agencies.


Pero dismayado si Marcos na naging fertile breeding ground ito ng katiwalian at kumikilos labas sa mandato, tulad ng paglipat dito ng P42 billion na pondo mula sa Department of Health (DOH) at sa pagbili ng umano’y overpriced na medical supplies.

Sa ilalim din ng Marcos Administration itinatag ang PITC noong 1973, na may tungkuling mangasiwa sa pakikipagkalakalan sa mga bansang socialist at may centrally planned economy.

Subalit sabi ni Marcos, ngayon ay nagagamit lamang ito ng iba’t ibang ahensya para pagtenggahan ng kanilang pondong pambili ng iba’t-ibang kagamitan na ayaw nilang ibalik sa national treasury.

Facebook Comments