Pagbuwag sa road board, muling inaprubahan sa ikalawang pagbasa

Manila, Philippines – Aprubado na sa ikalawang pagbasa ng Kamara ang pagbuwag sa Road Board matapos na i-recall ang naunang panukala na naipasa na sa ikatlong pagbasa.

Ito ay matapos magpulong sina Senate Majority Leader Migz Zubiri, Senate President Pro Tempore Ralph Recto at House Majority Leader Rolando Andaya kung saan nagkasundo ang mga ito na tuluyang lusawin ang Road Board.

Buong panukala ang inamyendahan kanina kung saan kabilang sa mga inamyendahan ay ang pagbuwag sa ahensya at ang naunang panukalang papalitan ang orihinal na pitong members ng Road Board ng 3 Powerful Road Board Kings na pamumunuan ng mga kalihim ng DPWH, DOTR at DENR.


Ilalagay na rin sa General Fund ang nakolektang P45 Billion mula sa Motor Vehicles Users Charge (MVUC) o road users tax na nakapaloob sa 2019 budget.

Gagamitin ang halagang ito para sa repair, rehabilitation at reconstruction ng mga kalsada, tulay, drainage systems gayundin sa mga naapektuhan ng kalamidad.

Mananatili pa rin dito ang MVUC kung saan isasama ang perang malilikom dito sa taunang General Appropriations Act.

Inaasahang sa susunod na Linggo ay ipapasa na sa 3rd and final reading ang panukalang pagbuwag sa Road Board.

Facebook Comments