
Isinulong ni House Majority Leader at Ilocos Norte Representative Ferdinand “Sandro” Marcos ang pagbuwag sa P1,620 hanggang P2,700 na travel tax na sinisingil sa mga Pilipinong pasahero.
Ang hirit ni Rep. Marcos ay nakaloob sa inihain niyang House Bill 7443 na layuning amyendahan ang Presidential Decree No. 1183 at kaukulang probisyon ng Tourism Act of 2009 kaugnay sa paniningil ng travel tax.
Diin ni Marcos, nagiging pabigat na ang travel tax sa mga ordinaryong Pilipino na kailangang bumyahe para sa kanilang trabaho, pamilya, at oportunidad.
Ayon kay Marcos, ang paniningil ng travel tax ay salungat sa hangad ng bansa na maibangon ang ekonomiya, mapag-ibayo ang mobility and regional competitiveness.
Binanggit ni Congressman Marcos na marami sa bansang miyembro ng Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) ang nagtanggal na ng travel tax para mapalakas ang kanilang turismo, pakikipagkalakalan, at people-to-people exchanges.










