Sa layuning matuldukan na ang kidnapping, iba pang krimen at mga iligal na aktibidad na dawit ang ilang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) workers.
Hihingi ang Philippine National Police (PNP) ng kumpletong listahan ng lehitimong POGO operators at workers mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Ayon kay PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., ito ang nakikita nilang istratehiya upang hindi na sila gumugol pa ng mahabang oras sa pag-crackdown sa mga iligal na POGO sa bansa.
Sinabi pa nito na tuloy-tuloy ang pakikipag-ugnayan ng PNP sa Department of Justice, National Bureau of Investigation, Bureau of Immigration, Chinese Embassy at iba pang ahensya para tutukan ang mga isyu at problema tungkol sa operasyon ng mga POGO.
Sisilipin din aniya ang business permit ng mga POGO at nakikipag-ugnayan din sila sa Bureau of Immigration upang magkaroon ng rekords ang mga chinese na pumupunta sa bansa upang magtrabaho sa POGO nang sa ganon ay matiyak na wala silang kaso sa China at magtatago lamang dito sa Pilipinas.