PAGCOR, hinamon na kasuhan ang mga opisyal at empleyadong sangkot sa kwestyunableng pagkuha ng third-party auditor ng mga POGO

Hinamon ni Ways and Means Committee Chairman Senator Sherwin Gatchalian ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na magsampa na ng kaso laban sa mga tiwaling opisyal ng ahensya na sangkot sa maanomalyang pagkuha ng third-party auditor sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Ginawa ni Gatchalian ang hamon matapos na i-terminate ng PAGCOR ang ten-year contract nito sa kinuhang third-party auditor sa mga POGO na Global ComRCI na natuklasan sa imbestigasyon ng Senado na nakagawa ng mga paglabag sa batas.

Giit ni Gatchalian, kailangang papanagutin sa batas ang mga opisyal at empleyado ng PAGCOR na nagpabaya at nakipagsabwatan sa Global ComRCI para maibigay dito ang kontrata kahit pa malinaw na hindi sila kwalipikado.


Sinabi ng senador na dapat habulin ng PAGCOR ang mga opisyal at empleyado para masampahan ng kaso ang mga gumagawa ng katiwalian para masawata ang mga ganitong gawain.

Nauna nang sinabi ng PAGCOR na inendorso na nila ang kanilang desisyon sa Office of the Solicitor General (OSG) para sa posibleng paghahain ng administrative, civil, at criminal cases laban sa third-party auditor.

Facebook Comments