Muling ipinagtanggol ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang P3 milyong gastos sa bago nitong logo.
Pahayag ito ni PAGCOR Chairman at Chief Executive Officer Alejandro Tengco sa budget hearings na isinagawa ng House Committee on Appropriations na pinamumunuan ni Ako Bicol Party-list Representative Elizaldy Co.
Ipinunto ni Kabataan Party-list Raoul Manuel na ang perang ginugol sa PAGCOR logo ay mas mainam sanang ginamit sa mga proyektong higit na pakikinabangan ng mamamayan.
Pero giit Tengco, napakaramura ng P3 million na budget na parang kawanggawa na lang ng designer ng logo.
Paliwanag pa ni Tengco, hindi lang logo ang pinapalitan sa rebranding dahil marami itong kaakibat na deliverables tulad sa implementasyon at paggamit sa naturang logo sa mga calling card, stationeries, envelopes, at sa 45 ari-arian ng PAGCOR sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Binigyang-diin pa ni Tengco na ang pagpapalit nila ng logo ay tugon sa impormasyon ng kanilang security group na libo na ang “fake licenses” na nagagamit para sa ilegal na operasyon sa iba’t ibang bansa gaya sa Turkey, London, at dito sa Pilipinas.