Naniniwala si Ways and Means Committee Chairman Sherwin Gatchalian na ‘nabudol’ ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa P6 billion contract nito sa kinuhang ‘third-party auditor’ na Global ComRCI na siyang nag-o-audit sa mga POGO.
Ang kontrata para sa 10 taon ay ibinigay sa PAGCOR kahit kwestyunable ang mga dokumentong ipinasa ng third-party auditor.
Ipinakita sa pagdinig ang ilan sa mga pinaniniwalaang fake document kung saan batay sa bangkong nag-certify sa Global ComRCI na Soleil Chartered Bank ay mayroong $25 million na pondo ang third-party auditor pero lumabas sa pagdinig na ang nasabing bangko ay hindi rehistrado ng BSP.
Maliban dito, hindi rin rehistrado sa Makati Local Government Unit ang Global ComRCI at hindi rin totoo ang address ng opisina na ibinigay.
Sa mga detalyeng ito ay giniit ni Gatchalian na malinaw na may credibility issue ang third-party auditor.
Hindi naman makasagot ang PAGCOR nang tanungin ng mga mambabatas kung bakit hindi man lang ininspeksyong mabuti kung lehitimo talaga ang principal.
Sinita pa ni Gatchalian ang PAGCOR na sa dami ng mga tauhan nito ay paano sila nabudol o posible namang sinadya talaga nilang magpabudol.