PAGCOR nagbigay ng P6.9M sa PH responders sa Myanmar

Tinanggap ni PAGCOR SVP for Security Raul Villanueva (dulong kaliwa) ang plake ng pagkilala mula kina Defense Secretary Gilberto C. Teodoro Jr. at OCD Asec. Bernardo Rafaelito Alejandro IV bilang pasasalamat sa patuloy na suporta ng PAGCOR sa overseas humanitarian missions ng Pilipinas.

Nagkaloob ng P6.9 milyong cash incentive ang Philippine Amusement and Gaming
Corporation (PAGCOR) sa mga miyembro ng Philippine Inter-Agency Humanitarian
Contingent (PIAHC) at Philippine Air Force personnel na ipinadala sa Myanmar
makaraan itong yanigin ng magnitude 7.7 na lindol noong Marso 28.

Sa turnover ceremony noong Biyernes, Hulyo 4, sa Camp Aguinaldo sa Quezon
City, ginawaran ng tig-P50,000 ang bawat isa sa 138 responders bilang pagkilala at
pasasalamat sa kanilang 12-araw na humanitarian at search-and-rescue mission sa
mga lugar na nasalanta ng lindol.

Ibinahagi ni PAGCOR Senior Vice President for Security Raul Villanueva (ikalawa mula
sa kanan) ang tsekeng nagkakahalaga ng ₱6.9 milyon kay Contingent Commander Lt.
Col. Erwen Diploma bilang insentibo para sa Philippine Inter-Agency Humanitarian
Contingent na ipinadala sa Myanmar ngayong taon.
Nasa larawan din sina PAGCOR AVP for Community Relations and Services Eric
Balcos (dulong kanan), Defense Secretary Gilberto C. Teodoro Jr. (ikalawa mula sa
kaliwa), at Office of Civil Defense Officer-in-Charge Asec. Bernardo Rafaelito Alejandro
IV (dulong kaliwa).

Ayon kay PAGCOR Chairman at CEO Alejandro H. Tengco, laging handa ang
ahensya na suportahan ang lahat ng overseas humanitarian efforts ng pamahalaan.
“We honor not just your bravery, but the compassion that defines Filipino
humanitarian missions,” ani G. Tengco. “We will always support efforts that reflect
the best of who we are as a people: resilient, selfless, and ready to help those in
need wherever they may be.”

Kabilang sa PIAHC ang mga kinatawan mula sa Office of Civil Defense (OCD),
Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Department of Environment
and Natural Resources (DENR) Emergency Response Team, at Department of
Health (DOH).

Tiniyak ng mga piloto at crew ng Philippine Air Force ang ligtas na paglipad at pag-
deploy ng Philippine Inter-Agency Humanitarian Contingent matapos ang
mapaminsalang magnitude 7.7 na lindol sa Myanmar noong Marso 28, 2025.

Tumulak patungong Myanmar noong Abril 1 ang grupo upang maghatid ng medical
at logistical support sa mga biktima ng lindol na kumitil ng mahigit 2,000 buhay at
ikinasugat ng halos 4,000 iba pa.

Habang naroon, nagtayo ang mga Pinoy responder ng isang Type 1 Fixed Field
Hospital sa Pyinmana, Naypyidaw, kung saan nasa 1,056 pasyente na may iba’t
ibang karamdaman ang kanilang ginamot. Nagsagawa rin sila ng search-and-rescue
operations katuwang ang mga lokal na awtoridad.

Nakiisa sina PAGCOR SVP for Security Raul Villanueva (ikatlo mula sa kaliwa),
Defense Secretary Gilberto C. Teodoro Jr. (ika-anim mula sa kanan), at mga kinatawan
mula sa iba’t ibang ahensya sa mga miyembro ng Philippine Inter-Agency Humanitarian
Contingent sa ginanap na recognition ceremony noong Hulyo 4 sa Camp Aguinaldo,
Quezon City.

Inamin ni Contingent Commander Lt. Col. Erwen Diploma na hindi naging madali
ang kanilang misyon dahil bukod sa pagod sa mabigat na trabaho, nakapanghihina
rin ng damdamin ang mga nasaksihan nilang pinsala at trahedya roon.
“This support from PAGCOR is a strong message that the efforts of Filipino
humanitarian responders are valued and recognized,” ani Diploma.

Facebook Comments