Naghahanda na ang Philippine Amusement and Gaming Corporation o PAGCOR sa posibleng pagsalo sa ilang mga responsibilidad ng Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO.
Ito ay sa harap ng mga pangamba na maapektuhan ang mga programa ng PCSO dahil sa tigil-operasyon ng lotto, STL at iba pang gaming activities, kasunod ng direktiba ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Inihayag naman ni PAGCOR Chairperson Andrea Domingo na sa ngayon ay wala pang pormal na direktiba ang Malakanyang sa PAGCOR.
Gayunman, kung ipapasalo aniya sa kanila ang pagbibigay ng tulong-pinansyal sa mga humihingi ng tulong at benepisyaryo, sinabi ni Domingo na may ilang importanteng bagay na dapat munang gawin ang PAGCOR.
Kabilang dito ang pag-aaral sa kasalukuyang sistema ng PCSO.
Kapag nagawa na ito ay tsaka sila maglalatag ng mga hakbang para sa posibilidad ng pag-take over sa ilang trabaho ng PAGCOR.
Sa usapin naman ng Universal Health Care Law, sinabi ni Domingo na ang 50% na kontribusyon ng PAGCOR sa national treasury ay nakalaan na para sa nasabing programa.