Mas mapapalawig na ngayon ng Office of the Vice President (OVP) ang pagtulong sa mga nangangailangan makaraang maglaan ng P120 milyon ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) bilang suporta sa pro-poor advocacies ng naturang tanggapan.
Sa isang simpleng seremonyang idinaos sa Mandaluyong City nitong August 1, 2023, sinaksihan ni Vice President Sara Duterte ang lagdaan ng Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan nina PAGCOR Chairman and CEO Alejandro H. Tengco at OVP Chief of Staff Atty. Zuleika Lopez.
Nakasaad sa MOA ang pagkakaloob ng PAGCOR ng P120 million sa pamamagitan ng apat na tranches – o P30 milyon bawat quarter upang suportahan ang medical at burial assistance programs ng OVP sa buong bansa.
Humiling ang OVP ng supplemental funding mula sa PAGCOR bunsod ng pagdagsa ng mga kahilingan para sa financial aid mula sa mga bagong tayong satellite offices nito sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ayon kay Chairman Tengco, kabilang sa mga pangunahing Corporate Social Responsibility programs ng PAGCOR ang pagbibigay ng tulong sa mga makabuluhang gawain.
“Isang karangalan para sa amin ang maging bahagi ng pagsisikap ng OVP na tugunan ang mga pangangailangang medikal at pinansyal ng mga maralitang mamamayan. Sa pamamagitan ng tulong na ito, umaasa kaming mas maraming mamamayang lumalapit sa OVP ang mabibigyan ng karampatang tulong,” aniya.
Sa panig ng OVP ang financial grant ng PAGCOR ay makakatulong nang malaki sa mahihirap na pasyente upang mabayaran ang kanilang hospital bills, makabili ng mga gamut, sumailalim sa dialysis treatments at makinabang sa laboratory/diagnostic procedure, chemotherapy/brachytherapy/radiation therapy, implant/medical equipment/assistive device at physical/speech/occupational therapy.