Pinatutsadahan ni Senator Sherwin Gatchalian ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na mistulang nahahawa na kay suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa pagkamakakalimutin.
Ito’y matapos igiit ng PAGCOR na pawang mga hindi lisensyadong POGO o tinatawag ngayon na Internet Gaming Licensees (IGLs) ang nire-raid ng mga awtoridad.
Binigyang-diin ni Gatchalian na ilan sa mga POGO na ni-raid ng mga law enforcers ay may mga valid licenses mula sa PAGCOR.
Kabilang aniya rito ang Colorful and Leaf Group, isang sublessee ng PAGCOR-licensed na CGC Technologies na matatagpuan sa Sun Valley sa Clark Pampanga; Smartweb Technology Corp., at Rivendell sa Pasay City; ang Hongsheng Gaming Technology at Zun Yuan Technology sa Bamban, Tarlac.
Ang mga registered POGO na ito ay mga sangkot sa human trafficking, illegal detention, torture, iba’t ibang uri ng online fraud at scamming, at maging ang prostitusyon.
Ayon kay Gatchalian, tila nahawa na ang PAGCOR kay Mayor Guo at hindi na maalala na ang mga ni-raid na mga POGO ay lisensyado ng tanggapan at ang kapalpakan sa pag-regulate sa mga ito ang naglagay sa bansa sa magulong sitwasyon.
Dagdag pa ng senador, sa kabila ng pagtanggal ng PAGCOR sa lisensya ng ilang mga POGO, tuloy pa rin ang ligaya ng mga ito sa bansa dahil hindi naman nakakansela ang employment permit ng mga ito at hindi rin nababantayan ang mga operasyon.