Nilinaw ng PAGCOR sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality na nagsilbi lamang na abogado si dating Presidential Spokesperson Harry Roque ng Whirlwind corp. at Lucky South 99 POGO hub sa Porac, Pampanga.
Ayon kay PAGCOR Chairman Alejandro Tengco, July 2023 ay pumunta sa kanilang tanggapan sa may Ermita si Roque kasama si Katherine Cassandra Li Ong, ang Whirlwind incorporator at authorized representative ng Lucky South 99, para idulog ang problema sa hindi nabayarang buwis at nagpapatulong sa renewal ng lisensya ng kumpanya.
Humingi aniya ng tulong ang mga ito dahil ibinulsa umano ni dating Technology and Livelihood Resource Center Director General Dennis Cunanan ang ibinabayad na buwis sa PAGCOR na aabot sa humigit kumulang 500,000 US dollars.
Humiling din si Roque na tulungan si Ong ng PAGCOR sa pagre-renew ng lisensya na mapapaso noong October 2023.
Paglilinaw ni Tengco, hindi nagpe-pressure o nambraso si Roque sa kanila.
Sinabi naman ni PAGCOR-Vice President for Offshore Gaming Licensing Department Atty. Jessa Fernandez na anim na beses lamang tumawag sa kanya si Roque at ito ay kaugnay sa mga kulang nilang dokumentong kailangang i-comply sa PAGCOR at puro please at thank you lang din ang dating cabinet secretary.
Gayunman noong Mayo 2024 ay ipinabatid nila kay Roque na denied ang aplikasyon ng kanyang kliyente dahil nakitaan ng rason ng PAGCOR para hindi ito bigyan ng lisensya.