Humirit si Deputy Minority Leader at Marikina Rep. Stella Quimbo sa Kamara na pag-aralan muna ang hakbang na dagdagan ang pondo ng Department of Agriculture (DA) sa 2022.
Sa 2022 national budget ay nasa P91 billion lamang ang inaprubahang pondo ng Department of Budget and Management (DBM) para sa DA mula sa orihinal na proposed budget na P231.7 billion.
Sa pagtatanong ni Quimbo kay Appropriations Vice Chairman Teodorico Haresco, sponsor ng DA budget sa Kamara, inamin nito na mayroong P417 million na natirang pondo sa DA noong 2019 habang P24 billion sa 2020.
Dahil sa mga natitirang pondo ng ahensya ay nakikita na hindi epektibo at hindi episyente ang DA sa paggugol ng pondo.
Kahit aniya gusto niyang suportahan ang dagdag na pondo sa agrikultura ay kailangan munang maipakita ng DA na may malinaw na ebidensya na mayroong matatag na imprastraktura para sa effective spending ng ahensya.