Inutos na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa Department of Agriculture (DA) na ipagbawal muna ang pagpasok sa Panay Region ng mga truck na nagdadala ng baboy at mga produktong baboy sa loob ng 60 araw.
Ito ay para mapigilan ang pagkalat pa ng African Swine Fever (ASF) sa rehiyon.
Ginawa ng pangulo ang kaniyang direktiba sa ginanap na pakikipagpulong nito sa Private Sector Advisory Council o PSAC kasama ang mga opisyal ng DA sa Malacañang kahapon.
Samantala, inatasan din ng pangulo ang DA na suriin ang RA 8172 o Asin Law o ang Act for Salt Iodization Nationwide.
Ito ay dahil sa layuning buhayin muli ang salt farming bilang dagdag na kabuhayan sa mga mangingisda.
Sa ilalim ng Asin Law, magdaragdag ng iodine sa asin para matanggal ang micronutrient malnutrition sa bansa.
Sa ginanap na pulong, nagbigay rin ng mga rekomendasyon ang PSAC kaugnay sa digital farming methods at mga estratehiya sa pagpapahusay ng supply chain, na magpapasigla sa food security ng bansa.
Panukala rin ng konseho ang muling pag-aaral sa mga patakaran at structure ng National Food Authority (NFA) para makapag -operate ito bilang logistics hub at mabawasan ang pagkalugi ng gobyerno.