Isinusulong ng Department of Transportation (DOTr) na dagdagan ang mga linya ng tren bilang solusyon sa lumalalang trapiko sa Metro Manila at karatig lalawigan.
Sa datos ng MMDA nitong 2018, aabot na sa higit 380,000 sasakyan ang dumadaan sa EDSA kada araw.
Nasa 601% na mataas kumpara sa kapasidad ng EDSA na nasa 54,000 kada araw.
Ayon kay MMDA spokesperson Assistant Secretary Celine Pialago – hindi na dapat ikagulat ng mga motorista ang lumalalang trapiko.
Aminado rin si DOTr Assistant Secretary for Rails TJ Batan – malaki ang kailangang habulin ng Pilipinas pagdating sa rail infrastructure.
Halimbawa aniya sa Tokyo, Japan, 70% ng mga pasahero ay nahihikayat na sumasakay sa tren habang sa New York, USA ay 50%.
Sa Seoul, South Korea ay 40 hanggang 50% at nasa 20 hanggang 30% naman sa Malaysia at Indonesia.
Sa Pilipinas, nasa 6-7% lang.
Sa ngayon, mayroong apat na linya ng tren sa pilipinas: LRT-1 (Baclaran-to-Roosevelt line); LRT-2 (Recto-Santolan line); MRT-3 (Taft Avenue-North Avenue line) at Philippine National Railways (PNR).
Nagpapatuloy ang konstruksyon ng MRT-7 (North Avenue-San Jose del Monte Bulacan line); LRT-2 east extension (Santolan-Masinag); LRT-1 Cavite extension; Metro Manila Subway; North-South Commuter Railway at Subic-Clark Railway.
May itatayo na ring riles ng tren sa Mindanao o Mindanao Railway Project mula Tagum City patungong Digos City.
Samantala sa lungsod ng Makati ay aarangkada na rin ang Intra-City Subway Project nito.