Pagdagsa ng Chinese students sa mga unibersidad sa Tuguegarao, aprubado ng CHED

Nilinaw ni Governor Manuel Mamba na hindi programa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan ang pagdagsa ng mga foreign student sa lungsod ng Tuguegarao kun’di ito ay inisyatibo ng National Government partikular ng Commission on Higher Education o CHED.

Ito ang naging pahayag ni Gov. Mamba sa isinagawang regular flag raising ceremony ng Kapitolyo ng Cagayan ngayong Lunes, Abril 15, 2024.

Mariin ding itinanggi ni Gob. Mamba na nag-i-sponsor ng Chinese students ang Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.


Ayon sa ama ng lalawigan, isa ang Cagayan partikular ang lungsod ng Tuguegarao na itinuturing na educational center sa bansa dahil may apat dito na malalaking unibersidad bukod pa sa mga iba’t ibang kolehiyo.

“This is not our program, this a program of the National Government. This is a program of CHED. Why? Because before they give autonomy to our universities and one of the requirements is internationalization. Ibig sabihin, invite, makipagtulungan sa other countries as far as education is concerned. Invite foreign students. That is not the program of Manny Mamba. That’s the program of the National Government. Hindi naman papasok yan na illegal. They are all with their student visas,” pahayag ni Gov. Mamba.

Inihalimbawa rin ni Gov. Mamba ang pagdagsa ng ibang foreign students sa iba’t ibang unibersidad sa lungsod, kung saan wala naman umanong natanggap na anumang reklamo laban sa kanila.

Dagdag pa ni Gov. Mamba, wala umanong dapat ikatakot sa mga ito bagkus isang magandang hakbang ito upang mas maipakilala pa ang lungsod at ang lalawigan sa ibang bansa.

“Tinanong ko ang mga pulis, si COP at si PD, kung meron bang complaints na blotter against these foreign students especially mga Chinese student kasi yun ang sinasabi nila. Sagot nila, wala ni isa,” pahayag ni Gov. Mamba.

Una rito ay naghain ng resolusyon sa Kamara si 3rd District Congressman Jojo Lara para ipa-imbestiga diumano ang pagdagsa ng Chinese students sa Tuguegarao na aniya nakakabahala sa seguridad ng bansa.

Facebook Comments