Inaasahan ang pagdagsa ng mga mananampalataya sa iba’t ibang simbahan sa Pangasinan ngayong araw, Pebrero 18, 2026, para sa pagdiriwang ng Ash Wednesday na hudyat ng pagsisimula ng panahon ng kuwaresma.
Kabilang sa mga magsasagawa ng misa ang Metropolitan Cathedral of St. John the Evangelist sa Dagupan City.
Ayon sa abiso ng pamunuan, nakatakda ang mga misa sa alas-6:00 ng umaga, alas-7:00 ng umaga, alas-12:15 ng tanghali na gaganapin sa Santuario, at alas-5:00 ng hapon.
Naglabas din ng iskedyul ang Minor Basilica of Our Lady of the Rosary of Manaoag kung saan isasagawa ang mga misa sa alas-6:00 ng umaga, 7:30 ng umaga, 9:00 ng umaga, 10:30 ng umaga, 12:00 ng tanghali, 3:00 ng hapon, at 4:30 ng hapon.
Magkakaroon din ng kumpisal mula 7:30 hanggang 8:30 ng umaga.
Bilang paghahanda, isinagawa kahapon, Pebrero 17, ang Rite of Burning of Palms sa patio ng basilica para sa paglikha ng abo na ipapahid sa noo ng mga deboto.
Ang paglalagay ng abo ay simbolo ng pagsisisi, pagpapakumbaba, at pagbabalik-loob sa Diyos, bilang paghahanda sa nalalapit na Semana Santa.









