Kumikilos na ang local offices ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), para imbestigahan ang pagdagsa ng mga namamalimos sa Metro Manila.
Mismong si DSWD Secretary Rex Gatchalian ang nagpahayag na kasalukuyan ng nagkakasa ng imbestigasyon ang kanilang ahensiya upang matukoy ang posibleng sindikato na nasa likod nito.
Naniniwala ang kalihim, na hindi basta-basta makakarating ng Metro Manila ang mga namamalimos na karamihan ay mga Indigenous People (IP) kung walang manghihikayat sa kanila nito.
Nabatid na kakasuhan ng human trafficking ng DSWD ang mga indibidwal o grupo na humahakot ng mga namamalimos.
Kaugnay nito, hinihimok ng DSWD ang publiko na huwag mag-abot ng limos lalo na’t may umiiral na batas dito at para madismaya na rin ang mga namamalimos dahil wala silang pagkakakitaan.